Monday, 19 August 2019

MAGRERETIRO KA BANG PALAMUNIN?

Isang araw ay magreretire tayo sa pagtatrabaho sa edad na gusto natin. Hindi na tayo magseset ng alarm clock para gumising at pilitin ang sarili natin na bumangon at tiisin ang lamig ng tubig upang makaligo. Wala na din tayong iisipin na matulog ng maaga dahil ayaw nating mapuyat dahil kelangan natin ng lakas sa trabaho. Wala na din tayong kapangyarihan sa opisina, malamang retired na nga tayo. At higit sa lahat,mababawasan na din ang perang pumapasok sa ating bulsa dahil nakadepende na lang ito sa fixed na pension plan mo, maliban na nga lang kung may iba ka pang negosyo, subalit karamihan ay wala nito.


Habang hindi ka pa ngreretiro, enjoy mo ang mga nakaalot na bilang ng araw para sa iyong annual leave which is usually 30 days. Kung ano ang ginagawa mo sa mga araw na ito ay malamang na ito din ang gagawin mo kapag nagretiro ka. Kung trip mo ang maglayag sa mga karagatan, umakyat ng bundok, manood ng TV o matulog lang sa maghapon. Bakit hindi mo subukang aralin ang mga bagay na gusto mong gawin hangga't bata ka pa na maaring magawa mo kung magretire ka na. Halimbawa nito ay ang pagsusulat ng libro, paghahabi o pananahi, paglilinis at pag-aayos ng mga lumang kasangkapan, o kung trip mo lang ang tumambling-tambling ay gawin mo. Ang sinasabi ko lang naman ay kung ano ba yung mga bagay na gusto mong gawin pero di mo nagawa dahil mas may iba kang prayoridad ngayon.

Mag-ipon ka para sa iyong pagtanda. Ang mga anak natin ay hindi investment. Ito ang sakit ng mga Pilipino. Umaasa tayong tutulungan tayo ng ating mga anak pagdating ng panahon. Paano kung wala din ang mga anak mo? Sasama lang ang loob mo sa konsomisyon kasi ultimo pambili ng biogesic dahil masakit ang ulo mo ay wala ka kahit  wanpipty pesos. Ang sakit di ba? Sasakto ba ang pension mo? Or baka wala kang pension? Hindi habang buhay ay mga "ateng" at "koyang" tayo na malakas at nakakapagtrabaho pa. Sige na, may panahon pa naman, kumpletuhin mo yung 10 taong hulog sa SSS para naman ameron kang aasahang minimum na pension sa SSS. Kung kaya mo naman bumili ng private insurance tulad ng AXA, Sunlife, Cocolife, Benlife at iba pang life insurance company ay gawin mo na. I am telling you, 20 years from now, kung mababasa mo pa tong blog na ito ay pasasalamatan mo ako dahil hindi investment ang mga anak natin.

Trenta anyos ka ngayon, meron ka pang 30 taon para pag-isipan mo ang mga bagay na ito baka saka mo lang maisip kapag 59 anyos ka na. May bahay ka na ba? Kung meron na, aba ih d wow! Congratulations! Pero kung wala pa. Nangungupahan ka pa din o baka nakikisiksik ka sa bahay ng nanay at tatay mo o ang masakit sa bahay ng kapitbahay mo. Oy! Ngayon pa lang, pag-isipan mo na ang kumuha ng bahay hangga't mababa ang downpayment at monthly amortization dahil habang tumatagal tumataas ang value ng bahay. Ito ay kung kaya mo naman na bumili ng bahay pero kung di naman pa kaya, tiyag-tyaga ka muna pero dapat magawa mo ito ng mas maaga. San mo ba gusto magretire? Sa probinsya o sa syudad? Kung sa probinsya, dun ka magpagawa ng bahay mo, mas mura ang halaga ng lupa. Pero kung sa syudad, may dalawa kang option, condo ba or house and lot? Syemre, kapag sosyal, condo yan pero kaya mo bang umakyat sa hagdanan kung sakaling masira ang elevator ng inyong Condo?

Kapag nagretire ka, ilang taon na ang mga anak mo? Baka naman, 15 anyos pa lang ang bunso mo? Malamang-lamang, aasa pa din sayo yan at may pangangailangan pa din yan. Kwentahin mo kung magkano ang halaga na kekelanganin pa nya hanggang sa makapagtapos ng pag-aaral at makapaghanap ng trabaho. Ang masama pa neto, yung mga anak mo ay walang trabaho at ikaw pa din ang bumubuhay sa mga apo mo. Iisipin mo pa magretire nyan? O baka humingi ka pa ng extension hanggang 70 yrs old para makapagwork ka pa. Ang sakit di ba? Baka kapag nagretire ka, mamatay ka kaagad sa konsomisyon.

Kaya pag-isipan mong mabuti? We deserve to enjoy our retirement. Sa araw na iyon dapat worry-free tayo at dapat masaya tayo. Dahil karamihan sa mga nagreretire ay nagreretire para mamatay. At aasa na lang tayo sa magagawa ng Panginoon na araw-araw naman nating ginagawa. Pero kung may panahon ka pa. Mag-ipon ka para sa iyong pagreretiro at sana yung Philhealth natin ay bayad din dahil malamang-lamang ung mga naipon natin ay ibabayad lang din natin sa ospital.

Tingnan natin sina lolo at lola dahil sila ang salamin ng ating mga sarili sa araw ng bukas. Naaawa ka ba sa kanila? Kung proud ka sa kanila, well, sinunod nila ang formula ng retirement. Nasa iyo naman ang desisyon, ayaw mo mag-ipon sa pagtanda, panigurado, wala kang kasiguruhan sa pagtanda mo at tatanda ka ding tulad ng mga matatanda ngayon na umaasa sa kanilang mga anak at kamag-anak.






No comments:

Post a Comment